Research Title | GAMENG NI ILOKANO: PAGGALUGAD, PAGDALUMAT SA MGA KAGAMITAN, KULTURA, AT MGA KAUGALIANG ILOKANO NA MAAANINAG SA TAN-OK FESTIVAL |
Studies: |
|
Researcher(s) | Francisca S. Nicolas, Jean A. Arellano, John Ryane A. Laureta |
Research Category | Project |
Research Status | on-going |
Duration | Jan 01, 2024 to Dec 31, 2025 |
Commodity | Education |
Research Site(s) | ILOCOS NORTE |
Source of Fund(s) | GAA-Fund 101 |
Brief Description | Ang panitikan ay bukas na talaarawan ng mga mamayan. Ito ay talaan ng lahi (Abadilla, 1986). Sa talaang ito ay mababasa ang panahon ng kasaysayan at ng kultura ng isang pangkat. Sa pamamagitan ng likhang panitik, makikilala ang mga tradisyon, kaugalian, paraan ng pamumuhay, paniniwala at lahat na tungkol sa pangkat ng mamayan (Hilana, 2014). Itinatampok ng panitikan ang mga karanasan at kalagayan ng lipunan o pangkat ng mga taoang binabanggit sa kinauukulang panahon. Ang mga awiting-bayan ay isang uri ng panitikan. Ito ay isang tula na inaawit at nilapatan ng ritmo o himig. Kalimitang nagpapahayag ito ng kaugalian, damdamin, pananampalataya, karanasan, hanapbuhay o kaya nama;y naglalarawan ng mga gawain ng isang taong naninirahan sa isang pook (Lumbera, 2000). Kalimitang maririnig o napapanood na inaawit o pinatutugtog ang mga awiting-bayan sa mga pagdiriwang ng mga pistang-bayan. Bahagi na ito ng selebrasyon ng isang pamayanan ( Villanueva, 2000). Lubos na pinaghahandaan ang mga pistang-bayan dahil inaasahan itong dadaluhan ng mga lokal at mga dayuhang nais maging bahagi at saksi sa pagdiriwang. Subalit minsan, hindi maiiwasan na ang mga kabataan, mga dayuhan o maging ng mga lokal na mamayan ay nalilito o kung hindi naman ay hindi naiintindihan ang mga pinakikinggang awiting-bayan. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga na maisalin, at maipaunawa ang nilalaman ng mga awiting-bayan. Maliban sa masaya ang selebrasyon ng mga pista, ito rin ay sagrado dahil kalimitan ang ipinagdiriwang ay ang mga patron ng bayan. Panahon din ito ng pagsasama-sama ng magkakaanak at magkakaibigan. Sa mga pista, masasalamin kung gaano pinahahalagahan ng mga mamayan ang kanilang patron, kultura, kaugalian at pinagmulan (Naval, 2021). Samakatuwid mainam na matukoy, maitala, maisalarawan at maisadokumento ang mga natatanging mga kaugalian, hanapbuhay, at kulturang maaaninag sa mga awiting-bayan. Isang paraan ito upang higit na maunawaan at maipagpatuloy ng mga susunod na henerasyon ang pagdiriwang at pagpapanatili ng mga nakagisnang yamang lahi dahil ang mga pista ay nagpapakita ng sariling kultura at mga gawain o pamumuhay na sumisimbulo sa ating pagka-Filipino (Ramiro, 2016). Sa kabilang dako, isa sa pangunahing layunin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) ay mapreserba, mapayaman, maipakilala at maibahagi ang mga tradisyon, kultura, kagawian at malikhaing sining kabilang na dito ang mga kuwentong-bayan, katutubong likhang sining at mga panitikan ng mga rehiyon sa Pilipinas. Sinasalamin din ng nasabing ahensiya ang muling pamumulaklak ng kultura at sining sa buong kapuluan. Kung kaya’t hindi nakapagtataka na halos lahat ng mga lalawigan, bayan at maging ng mga barangay ay nagdiriwang ng kapistahan. Magkagayun man, ang mga malakihang pagdiriwang na itinatampok ng iba’t ibang probinsiya ang higit na tumatatak at dinarayo hindi lamang ng mga kapuwa Pilipino kundi maging ng mga dayuhan mula sa iba’t ibang bansa. Bunga nito, ang mga pagdiriwang ay nagiging daan upang umusbong at umunlad hindi lamang ang larangan ng turismo kundi maging ang ekonomya at lalo’t higit ang pamamayagpag ng kultura, tradisyon at sining ng ating bansa. Samakatuwid ang isasagawang pag-aaral ay may malaking kaugnayan at tulong sa pagpapalawig at pagpapayaman hindi lamang ng wika kundi maging ng kultura at tradisyon lalo pa at ito ay maglalaman ng mga dokumentaryong pangkabuhayan na sumasalamin sa kultura, kaugalian at pamumuhay ng mga Ilokano. Ang mabubuong glosaryong pangkabuhayan ay malaking ambag sa pagpapayaman sa hindi lamang sa wikang Ilokano kundi maging sa wikang pambansa. Ang isasagawang pagsasalin sa mga awiting-bayan ay isang paraan ng pagpapalaganap ng pagkakilanlan ng mga Ilokano. Ang pagsasadokumento ng mga piling hanapbuhay ng mga Ilokano ay kababanaagan ng iba’t ibang paniniwala, pamahiin, katangiang Ilokano kaya nararapat lamang na maisadokumento ito upang may tularan kundi man may basehan ang mga susunod na salinlahi. Samantala, ang isa sa ipinapalaganap na misyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay ang pagsasalin sa iba’t ibang wikain sa Pilipinas ng mga natatanging kultura, tradisyon panitikan, mga katawagang pangkabuhayan, at iba pa (see. KWF flyers) na siyang isasakatuparan sa pag-aaral na ito. Ang pagsasalin sa awiting-bayang itinampok sa Tan-ok Festival ay isang paraan upang makatulong sa pagsasakatuparan ng adhikain ng nasabing ahensiya. Kapansin-pansin din na lubos ang pagsuporta ng ating pamahalaan sa mga pagdidiriwang ng mga pista sa iba’t ibang panig ng kapuluan dahil ito ay isang paraan upang mapaunlad at maisulong ang paglago ng ekonomiya at maiangat ang Pilipino saanmang panig ng mundo. Sa katunayan, ang Pangulong. Ferdinand Marcos kamakailan lamang ay naghayag ng suporta sa ganitong mga pagtitipon upang lalo pang palawigin, mapreserba at maipagmamalaki ang ating kultura, radisyon at higit sa lahat upang patuloy na manalaytay sa lahing Pilipino lalo na sa mga kabataan at sa susunod na heneraston ang mga maipagmamalaking mga katangian, kaugalian, kultura at tradisyon na sinimulan ng ating mga ninuno. Isang paraan ang pagdiriwang upang manatiling buhay at hindi makalilimutan ang mga magagandang kaugaliang minana natin sa ating mga ninuno . Isa pa sa nag-udyok sa mga mananaliksik upang isagawa ang ganitong pag-aaral ay para madagdagan kundi man mapalawak ang kaalaman ng mga kabataang Filipino sa mga talasalitaang Ilokano. Mapapansin na hindi na gaanong pamilyar kundi ma’y hindi na alam ng mga kabataan ang mga salita o termino sa mga kagamitang pangkabuhayan tulad na lamang ng karadikad, kuribot, alsong, al-o at marami pang ibang mga kasangkapang pangkabuhayan na itinampok sa Tan-ok Festival Hindi na rin maitatatwa sa kasalukuyang panahon na ang mga kabataang Ilokano ay hindi na alam ang tawag sa mga kagamitang ginagamit sa iba’t ibang hanapbuhay.Tunay na nakababahala ito dahil sila ay mga Ilocano, nararapat lamang na batid nila kahit man lamang ang mga tipikal na mga katawagang panghanapbuhay o kasangkapan tulad ng asar, muriski, baki, sarep, dusdos, buos at iba pa. Kalimitan, hindi na pinapansin ng mga millennials ang mga lumang kagamitan dahil napalitan na ito ng mga makabagong kagamitan kung kaya’t napakahalaga na maimulat sa kanila ang mga katawagang ito upang hindi mamatay at tuluyang makalimutan. Sabi nga sa kasabihan: “Kilalanin ang pinanggalingan upang matuwid ang patutunguhan.” Ang pagbakas sa ating mga nakaraan ay karugtong ng kasalukuyan at ng hinaharap. Kung gayon, nararapat lamang na mabatid, matukoy at maisa-isa ng mga kapuwa-Ilocano mapa -bata o matanda ang mga katawagang Ilokano na nagsasaad ng ating pagka-Ilokano tulad ng ating nakamulatang hanapbuhay (pagsasaka, pangingisda, panag-abel, panag-asin, panagbuos at iba pa). Samakatuwid ang pagtatala, pagsasalarawan, pagbibigay ng gamit sa mga ito ay malaking ambag sa kanila upang mapalawak ang kanilang bukabularyo. Kung gayon, ang mabubuong glosaryong pangkabuhayan ay makatutulong upang maiangat hindi lamang ang wika at kulturang Ilokano kundi maging ng wikang Pambansa. Sa panahon ngayon, na kung tawagin nila ay millennials, hindi na malayong unti-unti nang nakakalimutan kung hindi man ay hindi na matandaan o pamilyar ang mga kabataan sa mga katutubong pamumuhay ng mga Ilocano. Dala ito ng mga modernong kagamitan o gadget na palagi nilang tangan-tangan at kasa-kasama araw-araw. Maging ang midya ay nagdulot ng malaking pagbabago sa pananaw at paniniwala ng mga kabataan ay isa ring dahilan kung bakit nakakaligtaan na nila ngayon ang katutubong panitikan tulad ng awiting-bayan sa Tan-ok Festival. Ito ay bunga ng pagkahumaling nila sa mga dayuhang mga awitin na kalimitan ay maiingay at magagaslaw ang tugtog. Higit nilang tinatangkilik ang mga awiting nagdudulot sa kanila ng kasiyahan at humihikayat sa kanilang pagyugyog dala ng lakas ng indayog ng tugtog nito. Sa madaling sabi, dahil sa pagkagiliw sa makabagong tugtugin at awitin, nakaligtaan na ng mga kabataan na tangkilikin ang sariling atin, ang nakamulatang kayamanan (gameng) ng ating mga ninuno, ang katutubong awitin. Ito ay bunga pa rin ng kanilang kakapusan sa pag-unawa sa nilalaman sa mga awiting bayan. Malaking tulong kung gayon ang pagsasalin sa mga awiting-bayan sa Tan-ok Festival upang lalong maunawaan hindi lamang ng mga kapuwa Ilocano kundi maging ng mga gusting matuto sa wikang Iloco. Bunga ng teknolohiya, mabilis na nagbago ang mundo. Ang mga kabataan ngayon ay higit na naging aktibo sa pakikilahok sa mga gawaing may kaugnayan sa social media, mas tinatangkilik na rin nila ang paggamit ng internet at higit nilang kinahihiligan ang manood ng mga video. Ito ang isang dahilan kung bakit naisipan ng mananaliksik na isadukumento (video) at makabuo ng glosaryo ng mga gawain na ating nakamulatan na hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy pa ring ginagawa ng iilang nagmamahal at nagmamalasakit sa ating kultura at tradisyon. Naniniwala ang mga mananaliksik na sa pamamagitan nito mas lalo pang mahihikayat ang susunod na henerasyon na mahalin at tangkilikin ang ating nakagisnang yaman ng ating lahi (Gameng ni Ilokano). |
Expected Output | Product: Salin ng mga awiting-bayan, glosaryong pangkabuhayan, at dokumentaryong pangkabuhayan Publication: Kalikuman ng mga awiting-bayan ng mga Ilokano Salin ng mga Awiting-bayan Glosaryong Pang-magsasaka, Pangingisda at Panagbuos Dokumentary Film ng mga Piling Hanapbuhay ng mga Ilokano People Services: Community Folks (mangngalap, mannalon, agbubuos) teachers, students Partnership: Mga Piling bayan ng Ilocos Norte (Kinatawan ng mga mapipiling magsasaka, mangingisda at nagbubuos), Department of Agriculture, DepEd Social Impact: Kamalayan sa mga katawagang pangkabuhayan, implikasyon ng Tan-ok Festival sa mga kabataan at karagdagang kagamitang panturo (video) na nagbibigay impormasyon sa mga piling kabuhayan. Economic Impact: Maaaring mapagkitaan ang maililimbag na mabubuong glosaryong pangkabuhayan at kalikuman ng mga awiting-bayan |
Abstract | Not Available |